Another paperwork I passed...
Sa aking pananatili sa Calasiao, Pangasinan ay nakapanayam ko si lolo Rosendo o "Rosing" kung tawagin ng kanyang mga ka-barangay. Rosendo V. Abalos ang buong pangalan niya. Nakilala ko siya dahil bumili siya sa tindahan ng tiyo at tiya ko. Madalas daw siya roon, kung may pagkakataon. Si lolo Rosendo ay isinilang sa Dinalaoan, Calasiao, Pangasinan noong Oktubre 9, 1937 kina G. Inocencio Abalos at Gng. Josefa Vallo. Ang kanyang mga magulang ay matagal nang sumakabilang-buhay. Sa apat na magkakapatid, si lolo Rosing ang panganay at nag-iisang buhay.
Nagtapos ng elementarya si lolo Rosing sa Mababang Paaralan ng Calasiao. Bagamat nais pa niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral, hindi na ito natupad. Ayaw raw ng kanyang mga magulang at dala na rin ng hirap sa buhay. Wika nga ni lolo, "Iba-iba ang mga magulang. Hindi sila mahilig sa pag-aaral."
Si lolo Rosendo ay ikinasal kay Adelaida Tomeda na mula sa Tagum, Davao del Norte. Bagamat wala silang sariling anak, lumaki naman sa kanilang pangangalaga si Walter M. Anislag mula limang taon pa lamang ito. Si Walter ay 27 taon na ngayon. Nagtapos ng pag-aaral si Walter sa Calasiao ngunit ngayon ay nasa Tagum na.
Simple lang ang buhay ni lolo Rosing. Dati siyang tindero ng mga lobo at kakanin tulad ng bitso-bitso at puto. Kasama niyang nagtitinda ang kanyang asawa. Ayos naman ang negosyo nila sabi ni lolo Rosing. Ngunit ngayo'y 'di na nagtitinda si lolo Rosendo. Dala na rin ng kanyang edad. Sa ngayon, pag-aalaga ng mga hayop ang pinagkakaabalahan niya. Masasabi rin na ito na ang kanyang bagong pamumuhay. Ang mga alagang hayop ni lolo Rosing ay inahing baboy, kambing at manok. Kung hindi siya nag-aalaga o nagpapakain ng mga hayop ay paglilinis naman ng bahay at bakuran ang ginagawa niya.
Hindi nga salat o kapos sa pangunahing pangangailangan si lolo Rosendo subalit nabanggit niya na hindi na siya madalas makapagsimba dahil sa mahal na pamasahe. P20.00 ang bayad sa isang biyahe ng tricycle. Ang dyip ay nasa bayan lamang.
Nang itanong ko kay lolo Rosendo ang pagkakaiba ng kanyang pamumuhay noon at ngayon, sinabi niya sa akin na kung dati ay nakakatikim siya ng masasarap ng pagkain ngayon ay hindi na. Dati raw, sa panahon ng mga Amerikano, madalas siany makatikim ng corned beef at tsokolate na mula sa Amerika.
Hiningi ko ang opinyon ni lolo Rosing tungkol sa ating pamahalaan. Mas gusto raw niya ang panahon noon kumpara ngayon lalo na ang panahon ng administrasyon nina Pang. Magsaysay at Pang. Macapagal. Mura raw kasi ang bilihin. Nang tanuningin ko siya kung sino ang paborito o pinakagusto niya na pangulo, agad tumugon sa akin si lolo Rosing, "Magsaysay!". Nang tanungin ko siya kung bakit ang sagot ni lolo Rosendo ay "Parang mahirap eh.". Kung tungkol naman sa kasalukuyang administrasyon ay ayos naman sa kanya ngunit idinagdag niya na "babae lang siya".
Marami na ring naging karanasan si lolo Rosing ngunit iilan lamang ang ibinahagi niya. Ang ilan sa ibinahagi niya sa akin na 'di niya malilimutan ay ang paglalakbay niya sa ibang bayan. Minsan daw ay may nakakasalamuha siya na mga bastos at nag-iinuman. Isa sa mga pangyayari sa buhay ni lolo ay ang pagkamatay ng kanyang asawa nito lamang nakaraang Setyembre 21, 2004.
Akin ding hiningi ang ang opinyon ni lolo Rosendo tungkol sa mga kabataan ngayon. Ang tugon niya'y "Mabuti pa noon". Problema lamang daw ng bayan ang mga kabataan ngayon. Nang tanungin ko si lolo, "So hindi po kayo naniniwala na ang kabataan ang pag-asa ng bayan?" Ang tugon niya sa akin ay hindi.
Simple lang ang prinsipyo ni lolo Rosendo sa buhay. "Huwag ka lang masyadong magulo. Basta isipin mo lang ang pamumuhay mo."
Natapos ang aking panayam kay lolo Rosendo sa pamamagitan ng pagkuha ng litrato. Pagkatapos noon ay umuwi na siya sa kanila. Habang kinakapanayam ko si lolo Rosing ay napansin ko na nakatatlong sigarilyo siya |